Si Roslin, mahigit isang taon. |
Sa conformation dog showing, ang dami kong natutunan, hindi pala ganun kadali at kasimple. Hindi totoong "beauty contest" lang eto. Dugo, pawis, madaming pera, mahabang panahon ng pag-aaral at paghihintay, at kung minamalas-malas ka, balde-baldeng luha at samu’t-saring sama ng loob ang ipupuhunan mo para lang makapag-breed at makapagpa-champion ka ng aso - isang aso na karapatdapat sa kampeonato niya.
Nalaman ko na ang tunay na layunin ng dog showing ay para
magkaroon ng independent evaluation ang iyong aso. Hindi iyong ikaw lang ang nagsasabi na ang
aso mo ang pinakamagandang aso sa balat ng lupa. I-ni-ra-rampa mo eto sa
maraming hurado, mula sa iba’t-ibang mundo, at sa mga iba’t-ibang breeders na
rin, para matanto mo ang tunay nitong halaga at kagandahan.
Hindi lahat ng kampeon na aso ay maganda at karapat-dapat. Pwedeng
dayain ang pagkapanalo sa dog show. Kung
tiga-Maynila ka, at “pwede na rin” ang aso mo, maaring ang gagawin mo ay
lumaban sa mga dog show sa probinsiya na kung saan hindi “kagandahan” ang mga
aso.
Pwede ‘rin na magdala ka ng mga pamuntos kung sigurado ka na
walang magagandang kalaban. “Hakot” ang
tawag dito. Ang mga pamuntos mo ay
mga aso ng breed mo na hindi maganda o wala sa kundisyon at ilalaban mo sa isang
“pwede na rin” na aso mo.
May mga breeders dito sa Maynila na hindi matanggap na
hindi maganda ang mga aso nila pero nagpipilit na gawing kampeon ang lumalaban sa
mga probinsiya o nag-ha-hakot para lang makuha ang “Philippine Champion” na
titulo sa mga aso nila. Ang tawag ko sa
kanila ay mga “Philippine Provincial/Hakot Champions”. ;-)
Maari din na kakaibiganin mo ang mga pinoy na mga hurado,
reregaluhan ng kung anu-ano, parang sa pulitika lang.
Ang mga paraang nabanggit ang daan para magkaroon ka ng kampeon na aso kahit hindi karapatdapat. Ang daming gumagawa ng mga stratehiya na eto. Pero sa bandang huli, sarili mo lang ang
niloloko mo, hindi mo ini-improve ang breed mo, at sinisira mo ang dog sport.
Si Roslin kasama ang handler niya kung saan nanalo siya bilang pinakamagandang babaeng golden retriever sa age group niya. photo credit: R. Ong |
Mabuti na lang may katiting nga akong perfectionism kaya hinanap ko noon ang ang pinakamagaling na breeder ng golden retrievers sa Pilipinas para subukang makakuha sa kanya ng "dream" golden retriever ko. Sa kabutihang palad nahanapan ko siya, nakipagkilala ako, at sinabi ko ang pakay ko.
Hindi pala ganun kadali na makakuha ng isang totoong
magandang golden retriever na may "lalim" ang pedigree at may health clearances ang mga magulang.
Kinailangan kong mag antay ng halos apat na taon bago ako masabihan na may mga bagong tuta na pang-show!
Si Roslin noong 8 weeks old. photo credit: R. Ong |
Si Roslin ang tuta na iyon. Maganda ang ulo niya, maganda
ang katawan, magandang gumalaw, at napakalambing. Pero katulad ng lahat ng aso, hindi siya
perfect, hindi maganda ang mga paa niya sa likod at may katamarang maghabol ng
bola kapag sa malayo mo itinapon. Pero
kaya ko siya gusto dahil may lalim ang linya niya o “pedigree”.
Ang tatay niya ay si Ryder na isa 20 na pinakamagandang
golden retriever sa Estados Unidos noong 2006, marami siyang napanalunang specialty dog shows. Ang isang specialty dog show ay kadalasang "breeder judge" o napakagaling ng hurado ang mga hurado at napakaraming mga kasing-breed ng aso mo ang kalaban. Kapag nanalo ang aso mo sa isang specialty show ibig sabihin maganda talaga ang aso mo.
Ang lolo ni Ryder, si Thunder, ay may anak na mahigit 110 na
American Champions. Kabilang sa mga
ninuno ni Ryder ay si Aruba, ang “top producing dam” - babaing aso na may pinakamaraming
anak na champion - sa kasaysayan ng
golden retrievers sa Estados Unidos.
Ang nanay ni Roslin, Si Vodka, ay Canadian Champion naman. Tatay ni Vodka si Star, ang No. 1 na golden retriever na ama (sire) noong
2004 at 2005 sa Estados Unidos. Kabilang sa ninuno ni Vodka ay si James, ang
golden retriever sa Estados Unidos na may pinakamaraming panalo sa kasaysayan
ng mga golden retrievers sa dog shows.